Wednesday, February 9, 2011

Magkapanahon Para sa Diyos

___________________________________________________
BASAHIN: Lucas 12:13-21
Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. –Santiago 4:14
___________________________________________________
Ang patriarkang si Isaac ay matandang-matanda na nang sabihing “Di ko alam ang araw ng aking kamatayan" (Genesis 27:2). Totoo bata man tayo o matanda, di natin malalaman kung kailan ba tayo babawian ng buhay. Malinaw na malinaw itong nailarawan ng nangyari sa Fransya noong 1965.
Si Andre-Francois Raffray, isang abogado, ay nakipagkasundo na bilhin ang apartment ni Jeanne Louise Calment, na 90 anyos na noon at si Raffray ay 47 taon. Ligal na nagkasundo na babayaran niya ang babae ng $500 bawat buwan para sa karapatang tirhan ang magandang bahay pagkamatay ng matanda. Anong pakinabang ang makukuha niya! Iyan ang akala ni Raffray. Nabuhay ang matanda ng 32 pang taon, samantalang si Raffray ay 30 pang taon lamang. Namatay siya sa edad na 77 taon lang, pagkatapos magbayad ng $184,000 para sa apartment na di man lamang niya natirahan. Ang biyuda niya at mga taga-pagmana ang nagpatuloy ng pagbabayad ng napagkasunduang halaga buwan-buwan hanggang namatay ito sa edad na 122! Sa kanyang ika-120 na kaarawan, sabi niya “sa buhay minsan ay may mga nalulugi sa bilihan.”
Anong bigat na paalalang wala sa atin ang nakakaalam ng oras ng ating kamatayan. Maaaring “sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa” (Lucas 12:20). Anong laking kahalagahan kung gayon na matiyak natin ang ating huling hahantungan sa walang hanggan! Magagawa mo iyan ngayon din kung hihingin mo kay Jesu-Cristo na Siya ay maging Panginoon mo’t Tagapagligtas. –VCG

___________________________________
Marami akong hindi alam
Sa aking kinabukasan,
Ngunit alam ko na ang may hawak nito
Ay siya ring may hawak ng aking kamay.
–Stanphill
___________________________________
KUNG KILALA MO SI CRISTO BILANG IYONG TAGAPAGLIGTAS,
MAHAHARAP MO ANG KINABUKASAN NG MAY KAGALAKAN.

0000000000000000000000000000000000000000000000000000000000




No comments:

Post a Comment